May mga nakapaskil na ganitong tarpaulin sa iba't ibang lugar sa Brgy. Militar: sa Brgy. Hall, sa Palayan City Water District Extension Office (dating Mayor's Extension Office), sa Covered Court, sa bungad ng talipapa, sa Purok 1 sa ancestral house ng Punong Barangay, at marahil ay mayroon pa sa ibang panig ng barangay. Isa na naman itong malinaw na pagtatangka na iligaw at linlangin ang kaisipan ng ating mga kabarangay at isang maruming paraan sa pagkuha ng public sympathy.
Ang katotohanan: Sa bisa ng Decision na may petsang July 04, 2013 ng Municipal Trial Court in Cities (MTCC) Third Judicial Region, Palayan City, ang Civil Case No. 634 ay "DISMISSED"
at walang pinanigan ang korte sa magkabilang panig.
Ibig sabihin, hindi kinilala ng korte na may karapatan ang Punong Brgy. Nelson M. Quiddam at ang St. Anthony Center of Science & Technology, Inc. sa nasabing lupa na naikaso, gayundin ang Selimian Paraclete School, Inc. Sa Decision ng Korte, walang nanalo, walang natalo.
Sa tunay na diwa, nanalo ang Selimian Paraclete School, Inc. dahil napagtagumpayan nitong pigilin at baliin sa Korte ang illegal na pananakop ng Punong Barangay at naideklarang wala silang karapatan.
Ang tunay na tinitindigan ngayon ng Selimian Paraclete School, Inc. ay ang nauna nitong pagpoposisyon na legal, malinis bagamat matagal na proseso sa DENR na siyang legal na tanggapan na nakakasakop sa usapin sa lupa ng Brgy. Militar.
DENR (at hindi korte) ang tanging ahensya ng gobyerno na mangangasiwa sa pagpapatitulo sa lupa ng Brgy. Militar, DENR (at hindi korte) ang magku-qualify ng aplikante sa mga bakanteng quasi-public na lupa ng Brgy. Militar. Walang kakayahan o karapatan ang isang punong barangay upang i-negotiate kaninuman ang anumang lupa ng Brgy. Militar na hindi nya posisyon o pag-aari.
Balik sa dating sitwasyon bago nagkaroon ng kaso, nakaposisyon ang Selimian Paraclete School, Inc. sa nasabing lote, dumadaan sa legal na proseso sa DENR, at sinumang muling magtatangka ng illegal na pananakop ay muling sasansalain nito sa korte. Sa korte naman (at hindi sa DENR) inihahain ang mga reklamo hinggil sa violation sa karapatan ng sinuman sa diwa ng Presidential Proclamation No.709.
Sa tatlong mga kaso na (1) Civil Case on Forcible Entry with TRO, (2)Administrative Case on Grave Abuse of Authority and Gross Misconduct na isinampa ng Selimian Paraclete School, Inc. at (3)Criminal Case on Illegal Construction na isinampa ng City Engineering Office of Palayan City laban sa mga defendants na Punong Barangay Nelson M. Quiddam, St. Anthony Center of Science & Technology at Brgy. Sekretaryo Teodoro A. Quindara, at sa mga pinagdaanang pagtutunggalian sa korte hinggil sa nasabing usapin, natuto na sana ang lahat sa aral na hatid nito. Hindi na mababawi at mababali ang mga desisyon sa kaso, mapapait at masasakit man ang mga ito ay hindi ito mapagtatakpan pa ng panlilinlang sa mga kabarangay at humanap ng damay o kumuha ng public sympathy.
Ang Selimian Paraclete School, Inc. bagama't isang maliit na institusyon ng edukasyon sa Brgy. Militar ay hindi titindig na lumaban sa namumuno sa pamayanan KUNG wala itong matibay at tamang pinaninindigan.
Matuto na sana ang lahat sa hatid na aral ng mga karanasang ito.